A Blog by Virgilio Rivas

Muli, Haring Bastos

I.             Panunulsol

 

Nagbubo nilagang diskurso.

Bago ‘yan—

mainit ang malukong

na labi ng tasa,

ang malagihay na mga labi ni Diotima,

nanunukso,

ginigiit sa bibig

na lalo pang isabibig

mga bulang mapait,

at saka aawit.

 

Babaliin ng kape

ang pananamlay…

Kita mo,  malulutong na buto

samyong barako!

 

Ang mga buto sa pisngi mo, ah!—

para sa mga sugpungan ng

mga ugat ng dahon-palad;

sa mahinhin mong tangkay,

mga awit binanlay;

sa malamyang talbos

mga butong nalagot;

sa mahinahong sulsol,

dahon kang umuuguy-ugoy.

 

Pero, buto—paano

ka nga ba mataranta

sa baligho ng labis

na nilagang kape?

 

II.           Alaala ng King of Pop

 

(Si MJ sa malikot na isip ni Boy Tikol—isang kaibigan, bihasa sa pagsayaw; yumaong lasinggero, anak ni Aling Carmen, may-ari ng bahay na naghubog sa mga unang dalit ng Haring Bastos sa maduming siyudad ng Pasay)

 

 

Prata-tat! Baril gumaralgal.

Akin, hinugot sa banya: hiwang Aleman.

Nakita ni Manang ang lukbutan.

 

Tahimik, tahimik…Itakwil ang balabal.

Tigil pasaway: walang madalian.

Prata-tat! Baril gumaralgal.

 

Bangon! Bangisan! Walang alisan.

Saka pa’ng balik, Manang na tulisan

Pero si Manang—naku, matinik sa hulihan.

 

Salaginto, salagubang!

Sabi nang higpitan, talagang banban!

Prata-tat! Baril gumaralgal.

 

Naku, ano’ng bukol sa lukbutan!

Mga burat itong nagtungayaw.

Naubutan ni Manang ang tulisan?

 

Hala ang manang dala’y digmaan.

Amain, tiyuhin, talilis sa palikuran.

Prata-tat! Baril gumaralgal.

Nakita ng Manang ang lukbutan!

 

III.          Maalat mong Alala

 

Sa pagitan ng mga puwang

ng itinatanghal na manhid ng katahimikan

tadhana’y balisang pipi.

Bawat pagitan hinumpak

ng bigat ng impiyernong naghahabol.

 

Sumpang mahinahon (putanginang) hinihimatong

ng mga labing nangalirang.

Mala-santong mapagbunsod; kawangis

mo’y tubig-alat.

 

Oo nga’t sa tubig mong marahas

mga daliring sa tadhana’y kinapos

ilulubog; silang

tinalbusan ng dyablo ng mga sariwang kuko

ngayon hinahabilin, saka

paaanurin na rin,

sa mahapding lasa ng iyong dagat.

At pagtapos,

 

ganun na nga,

gaya ng di mabilang-bilang

na mga sandaling hindi kita maramdaman,

maiguguhit na sa palad,

 

sa wakas, at salamat,

 

walang-hanggang

kalapastanganan ng mga pangako.

 

 

November1, 2009. Quezon City

Comments are closed.